Maricel Soriano opens up about her health condition
- Balitang Marino
- 1 day ago
- 2 min read

April 15 ------ Nagsalita na ang Diamond Star na si Maricel Soriano tungkol sa health condition na pinagdadaanan niya ngayon. Sa nagdaang 60th birthday celebration niya, naging kapansin-pansin kasi na tila hirap maglakad si Maricel. Kaya naman para tapusin na ang mga haka-haka, inamin na ng batikang aktres sa kanyang YouTube vlog na nakararanas siya ng spinal arthritis, na umaabot hanggang leeg.
Pagbabahagi ni Maricel, “Nu'ng first na na-experience ko 'to, in-injection-an na ako sa likod. 'Tapos, nu'ng sumunod, dahil hindi pa rin nawawala 'yung pain, kasi sa side lang, e. So ginawa nila, mismong sa spine nila ako sinaksakan ng steroids.” Ani Maricel, na kilala rin bilang si Marya, bukod sa matagal ang epekto ng gamot sa kaniya, manhid at tila tinutusok ng karayom ang kaniyang paa kaya iika-ika siyang maglakad. “On top of it, may pinched nerve ako. Hereditary 'to, e, kaya ganu'n. So kahit ano'ng gawin ko, talagang magiging ganiyan at ganiyan,” dagdag pa ng aktres.
Paglilinaw ng batikang aktres, gumagaling naman ang kaniyang sakit. Sa katunayan, puwede niya itong ipaopera, ngunit ayaw na umano ni Marya. “Kasi tinitingnan namin lahat ng way kung papaano para hindi surgery ang mangyari sana kasi ayoko. Siyempre, nakatikim na ako ng cesarean. Ang operation is not a joke. That's why parang ako, gusto ko rin ma-introduce din ako sa ibang anggulo para gumaling ako,” sabi ni Maricel. Wika pa ng aktres ay kaya niyang labanan ang kaniyang sakit. Sa ngayon ay mayroon siyang physical therapist na tumutulong sa kaniya mag-stretching. Bukod pa rito, isa sa mga physical activity niya ay mag-walking sa pool. Importante ito dahil nasasanay niya ang sarili na maglakad ng walang nararamdamang sakit.
Kuwento pa ng batikang aktres, “Meron nga akong nagawa na hindi ko inakalang magagawa ko nu'ng una, so hawak-hawak ako ng anak ko, naglalakad kami, siguro mga anim na beses na kaming nagpapabalik-balik. 'Tapos mamaya, mag-isa na lang pala akong naglalakad.” Natatawang dagdag pa ni Maricel, “Dahil sa chichi, nakapaglakad ako. 'Yan ang nagagawa ng chismis sa akin." Sa huli ay nag-iwan ng mensahe si Maricel sa mga nakararanas ng parehong sakit na meron siya. Bilin ng aktres, “When your body talks, you listen.”
Source: gmanetwork.com
Commentaires